Mayor Bernard Dy sa Publiko: ‘Gawin sana nila ang kanilang Responsibilidad’

*Cauayan City, Isabela*- Nananawagan ngayon si City Mayor Bernard Dy sa publiko na gawin ang kanilang mga responsibilidad bilang mamamayan matapos makapagtala ng unang kaso ng covid-19 ang lungsod.

Ayon kay Dy, saksi ito sa nangyaring kumpulan ng mga sasakyan sa poblacion area maging ang dagsa ng mga tao na parang walang pinaiiral na social distancing sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.

Pakiusap ngayon ng opisyal na manatili na lamang sa bahay kung wala namang mahahalagang gagawin sa labas maliban na lamang sa pagbili ng pagkain subalit tignan pa rin ang social distancing para matiyak na makakaiwas sa pagkahawa ng virus.


Sinabi pa ng alkalde na nagsisimula na silang magsagawa ng contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng health worker ng una itong makaramdam ng sintomas ng nakamamatay na sakit.

Samantala, kinumpirma naman ni Medical Chief Dr. Ildefonso Costales ng Southern Isabela Medical Center na stable ang kalagayan ng 40 anyos na health worker maliban na lamang ng makaranas ito ng lagnat bago magpositibo sa sakit.

Facebook Comments