Mayor Cayetano, hinikayat ang mga taga-Taguig na magpa-test kontra COVID-19

Hinikayat ni Taguig Mayor Lino Cayetano ang mga residente ng lungsod na magpa-test kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Aniya, samantalahin ang serbisyong ibinibigay ng kanilang Systematic Mass Approach to Responsible Testing (SMART) program kung saan may dalawang paraan upang magpa-test tulad ng drive-thru testing para sa may mga sasakyan at pwede ring magpa-test sa pamamagitan ng mga Barangay Health Center ng lungsod.

Huwag aniya matakot dahil nakahanda ang pamahalaang lungsod na tugunan ang kanilang mga pangangailangan kung sakaling magpositibo sila sa naturang sakit.


Kung alam nila aniya na na-expose sila sa tao o sa lugar na may COVID-19, huwag mahiyang lumapit sa kanilang mga Barangay Health Center o tumawag sa kanilang COVID-19 hotline na 8789-3200 o 0966-419-4510.

Tiniyak naman ng alkalde na pangangalagan nila ang impormasyon ng kanilang mga pasyenteng positibo ng virus.

Sa ngayon, umabot na sa 57,868 na mga indibidwal ng lungsod ng Taguig ang sumailalim na ng Polymerase Chain Reaction (PCR) tests sa pamamagitan ng SMART testing program.

Facebook Comments