Mayor Emi Calixto-Rubiano, planong kausapin ang mga opisyal ng Pasay City Health Department at ang konsehal ng ikalawang distrito na nagalit sa ginawang testing sa session hall

Ipapatawag ni Mayor Emi Calixto-Rubiano ang mga tauhan ng Pasay City Health Department at si Second District Councilor Arnel Moti Arceo.

Ito’y upang marinig ang paliwanag ng magkabilang panig hinggil sa nangyaring insidente noong Martes, May 19, 2020, kung saan nagalit at pinagmumura ng konsehal ang ilang health care workers nang magsagawa ng COVID-19 testing sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan sa mismong session hall ng munisipyo.

Sa tingin ng alkalde, nagkaroon lamang ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng konsehal at ng ilang tauhan ng City Health Department na siyang nagsasagawa ng pagsusuri.


Ayon pa kay Mayor Emi, nakausap na rin niya ang ilan sa mga tauhan ng City Health Department upang malaman ang pinagmulan ng problema pero aniya hindi katanggap-tanggap ang nangyaring insidente pero kailangan pa rin na mag-focus ang lokal na pamahalaan sa pagsugpo sa COVID-19.

Matatandaan na nag-viral sa social media ang video na kuha mismo ng konsehal kung saan pinagmumura nito ang mga nagsagawa ng COVID-19 testing pero humingi na rin ito ng paumanhin.

Kinondena naman ng Philippine Association of Medical Technologists (PAMET) ang naging reaksyon ng konsehal lalo na’t ginagawa lang ng mga health worker ang kanilang trabaho base na rin sa utos ng City Health Department ng lungsod.

Wala pa naman pahayag ang lokal ng pamahalaan ng Pasay kung natapos ba ang isinagawang COVID-19 test sa mga empleyado ng City Treasurer’s Office, Information and Communications Technology Office, City Assessor’s Office, City Registry Office, People’s Enforcement Board, City Legal Office, City Budget Office, City Urban Development and Housing Office, at Public Information Office.

Facebook Comments