Iginiit ni San Juan City Mayor Francis Zamora na hindi lang mga bayaning ninuno ang dapat bigyang pugay at pagkilala ngayong Araw ng Kasarinlan, kundi maging ang lahat ng mga frontliner na lumalaban sa COVID-19 pandemic.
Ito ang binigyan diin ni Zamora matapos na pangunahan ang simpleng seremonya para sa paggunita ng ika-122 taon ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan City.
Kasama ni Zamora na nagtaas ng Bandila ng Pilipinas at nag-alay ng bulaklak si National Historical Commission of the Philippines Executive Director Restituto Aguilar.
Maliban sa Pinaglabanan Shrine, sabay- sabay rin ang pagpupugay ng mga taga-San Juan sa Bantayog ng mga Bayani sa lungsod na pinangunahan naman ng mga Konsehal nito.
Kabilang diyan ang Bantayog ni Gat Jose Rizal sa N. Domingo, Bantayog ni Gat Andres Bonifacio sa Brgy. Onse at Gat Emilio Jacinto sa Brgy. Corazon de Jesus.