Nanindigan si San Juan City Mayor Francis Zamora na hindi pamumulitika ang pag-aresto kay dating Senador Jinggoy Estrada habang namamahagi ito ng libreng bangus sa mga residente ng lungsod.
Giit ng alkalde, nilabag ni Estrada ang social distancing rules at wala itong permit mula sa Local Government Unit (LGU) para makapagsagawa ng relief operation.
Katwiran naman ng dating senador, may mga grupo at indibidwal ding nagsasagawa ng relief operations sa lungsod na wala rin namang permiso mula sa LGU.
Inakusahan din niya si Zamora ng pag-preempt sa ginagawa nilang relief operation ng kanyang pamilya kabilang ang pagpapasara sa “rolling store” ng kanyang anak at dating San Juan City Vice Mayor Janella Estrada.
Ayon pa kay Estrada, sa halip na bantayan ang ginagawa nilang pagtulong, tutukan na lang aniya ni Zamora kung paano mapipigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa San Juan.