Nakatuon daw sa laban ng San Juan City kontra COVID-19 si Mayor Francis Zamora at walang panahon para patulan ang maaanghang na patutsada ni dating Senador Jinggoy Estrada.
Ito ang pa-dedmang sagot ni Mayor Zamora matapos siyang makatikim ng below the belt na upak mula sa kay Estrada na nagsilbi rin bilang dating alkalde ng San Juan City.
Paliwanag ni Mayor Zamora, ang kanyang mga abugado na ang bahala dito.
Sa FB Post ng galit na galit na dating Senator Jinggoy kahapon, tinawag pa niyang “g-a-g-o” ang nakatunggali ng kanyang anak na si Janella dahil daw sa pagpapahirap ni Zamora sa mga residente ng San Juan lalo na ang mga vendors.
Dagdag pa ni Jinggoy, pinagtatawagan daw ni Mayor Zamora ang mga vendors na huwag sumama sa rolling stores na inililibot ng kanilang pamilya para magbenta ng murang mga gulay at karne sa lungsod.
Pero sa halip na personal na sagutin ni Mayor Zamora ay ibinigay na lamang nito sa mga reporter sa kanyang viber group ang sagot ng grupo ng San Juan City Public Market vendors na tumawag kay Jinggoy na ubod daw ng sinungaling.
Sa panig naman ng mga vendors, walang sasama sa Rolling Stores na inorganisa ng mag-amang Estrada dahil mistulang tagapagtinda lamang sila at hindi na sila makakapag-hanapbuhay para sa kanilang pamilya.
Hindi raw gaya ng Palengke on Wheels na binuo ng San Juan City Government na nakakapag-hanapbuhay sila ng maayos at nabibigyan ng sapat na kita sa gitna ng Quarantine period.
Pinayuhan pa ng mga vendors si Jinggoy na huwag nang pagkaperahan at ipamigay na lang ng libre ang kanilang paninda kung talagang gusto nilang tumulong sa publiko.
Giit pa ng mga vendors, mas makabubuting alisin na lamang ng mga Estrada ang malaking streamer ng kanilang apelyido sa kanilang umiikot na Rolling Stores dahil wala daw ibang namumulitika rito kundi si Jinggoy mismo.