Inatasan ni Mayor Honey Lacuna-Pangan ang lahat ng mga tauhan ng Manila Health Department maging ang mga director ng anim na district hospital na alamin ang iba pang problema sa isyu ng kalusugan ng lahat ng residente sa lungsod.
Nais kasi ng alkalde na matutukan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang iba pang problema pangkalusugan sa gitna ng nararanasan sa COVID-19 pandemic.
Naniniwala kasi si Mayor Honey na isa rin doktor na ang kalusugan ay kayamanan at ang malusog na populasyon ay katiyakan para sa pag-unlad ng kahit na anong lungsod.
Ayon pa sa alkalde, ang focus ngayon ng city government ay palakasin ang kakayahan nito sa pagbibigay ng mga serbisyong pangkalusugan alinsunod sa itinakdang guidelines ng Universal Health Care Act.
Aniya, ang Manila Health Department ang magpapanukala ng solusyon pagdating sa serbisyong pangkalusugan ng lungsod upang kaagad na matugunan ang mga problema lalo na’t kailangan ng mga ito ng pondo.
Nabatid na ang mga planong ito ay bahagi ng mga health programs na prayoridad ni Mayor Honey sa kanyang 100 days kung saan hangad niya na magtayo ng super health centers na magkakaloob ng kumpletong basic laboratory tests, portable x-ray, ECG machine at iba pang pasilidad para sa lahat ng mga residente sa kanilang lungsod.