Nagbabala si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na ipapasara niya ang dalawang kilalang establisyimento sa naturang lungsod kapag hindi pa din huminto sa pagbebenta ng GSM – o galing sa magnanakaw na mga cellphone.
Kasunod ito ng pagsalakay ng kawani ng MPD-Special Mayor’s Reaction Team o SMaRT sa mga establisyimentong bagsakan umano ng nakaw na mobile phone.
Kasama sa nadakip ay isang menor-de-edad na naaktuhan mismo ng operatiba na magbebenta ng pinaghihinalaang ninakaw na telepono.
Ayon kay Moreno, kailangan maaksyunan ng pamunuan ng Isetann Mall sa Recto at Tutuban Commercial Center ang talamak na bentahan ng GSM phones sa loob ng 72 oras.
Dagdag pa ng alkalde, walang mangangahas magnakaw kung walang bumibili ng nakaw.
Inihayag naman ng mga pamunuan ng inirereklamong mall na sosolusyonan ang problema sa lalong madaling panahon.