Mayor Isko Moreno, dumalo sa ikinasang convention ng mga kabataan sa lungsod ng Maynila

Dumalo si Mayor Francisco “Isko” Moreno sa ikinasang Bilis Kilos Youth Movement Convention sa San Andres Sports Complex sa San Andres, Maynila.

Dito ay nagkaroon ng pagkakataon ang alkalde na maka-ugnayan ang mga kabataan na aniya ang siyang itinuturing ng mga bayani na pag-asa ng bayan.

Sa pahayag ni Mayor Isko, malaki ang gagampanang papel ng mga kabataan para sa kinabukasan ng Pilipinas sa darating na halalan.


Aniya, kung nais nila ng pagbabago, dapat ay mag-isip sila nang maigi at sakaling nais naman nila na manatili sa ganitong sitwasyon ang bansa ay sila na raw ang bahala.

Pero giit ng alkalde, naniniwala siya sa kakayahan at pagkakaroon ng pagkakaisa ng mga kabataan para sa kaayusan ng bayan tulad ng mga ginagawa ng mga bayani ng bansa.

Kaugnay nito, kinuwestyon ni Mayor Isko ang desisyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na palitan ng Philippine Eagle ang mga bayani ng World War II sa bagong P1,000 bank note na nakatakdang ilabas ngayong Disyembre.

Sinabi ng alkalde na sana ay irekonsidera ng BSP ang kanilang desisyon sa ilalabas na bagong pera kung saan iginiit niya na hindi matatawaran ang ginawa ng mga bayani na ibinigay ang sariling buhay para sa prinsipyo at pagmamahal sa bansa.

Facebook Comments