Mayor Isko Moreno, hinihikayat ang gobyerno na maglagay ng drive-thru booster shot sa mga expressway

Dahil sa pagdagsa ng mga tao sa drive-thru vaccination at booster site sa Lungsod ng Maynila, iminungkahi ni Mayor Isko Moreno sa pamahalaan at pribadong sektor na maglagay ng pasilidad na drive-thru booster shot sa ilang piling toll booth sa lahat ng expressway patungo sa Metro Manila.

Ayon sa Alkalde, naaawa siya sa mga taga-Northern Luzon, Central Luzon at Southern Luzon na pumupunta sa Manila upang makakuha ng booster shots.

Nabatid na base sa datos ng Manila Health Department o MHD, ang mga nagtutungo sa vaccination sites sa lungsod ay nagmumula pa sa iba’t ibang lugar sa Northern at Central Luzon gayundin sa Southern Luzon.


Kaugnay nito, sinabi ni Mayor Isko na maaaring hilingin ng Toll Regulatory Board (TRB) sa mga negosyanteng humahawak ng mga espressway na magtalaga ng ilang toll booth sa lahat ng entrance o exit toll gates.

Partikular sa North Luzon Expressway (NLEX), South Luzon Expressway (SLEX), Manila–Cavite Expressway (CAVITEx), Southern Tagalog Arterial Road (STAR Tollway), Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEx) at Tarlac–Pangasinan–La Union Expressway (TPLEx), para maturukan ng booster shot ang mga motoristang gumagamit ng mga expressway.

Nilinaw ng alkalde na hindi nila ito trabaho ngunit kailangam magtulungan ang lahat para sa kapakanan ng bansa na dumaranas ng health crisis dahil sa COVID-19.

Nilinaw din ni Moreno na wala siyang kapangyarihan sa mga toll operator ngunit kung mabibigyan siya ng pagkakataon ay gagawin niya ito.

Facebook Comments