Hinikayat ni Mayor Isko Moreno ang publiko partikular na ang mga Manilenyo na huwag nilang kalimutan ang mga pangalan ng kanilang mga barangay officials na nagsasagawa ng maling gawain lalo na ngayong panahon ng krisis dulot ng sakit na Coronavirus Disease (COVID-19).
Ayon kay Yorme, kung ang mga barangay officials na ito ay nagawang samantalahin ang kasalukuyang sitwasyon ng krisis, ano pa ang kanilang magagawa sa mga regular na panahon lalo na kung malapit na ang eleksyon.
Inihayag ng alkalde ang panawagan ng makaraang makatanggap sila ng mga reklamo laban sa ilang mga barangay officials na binabawasan umano ang inilaang ayuda o “food packs” ng lokal na pamahalaan para sa bawat pamilya sa lungsod.
Nabatid na inaasahang makakatanggap ang bawat pamilya sa nasabing lungsod ng 3 kilo ng bigas, dalawang lata ng sardinas, isang spaghetti pasta, at isang spaghetti sauce.
Pero sa mga ulat na umabot sa Alkalde, may ilang pamilya ang nakatanggap ng kulang-kulang kung saan ang ilan sa kanila ay nakatanggap ng 2 kilo lamang na bigas, ang iba ay hindi nakatanggap ng spaghetti sauce, habang ang ilan ay hindi nakatanggap ng mga delatang sardinas.
Tiniyak naman ni Mayor Isko sa publiko na hindi papayagan ng gobyerno ang ganitong uri ng mga maling nakasanayan at sasampahan nila ng mga kaukulang kaso ang mga barangay officials na mapapatunayang lumabag dito.