Humihingi ng pasensya at pang-unawa si Manila Mayor Isko Moreno sa publiko at sa mga sumailalim sa libreng RT-PCR tests o swab sa lungsod.
Ito’y dahil sa nangyayaring delay na paglabas ng resulta bunga ng kakulangan sa kanilang manpower.
Ayon kay Mayor Isko, base sa ulat mula sa Sta. Ana Hospital Director na si Dr. Grace Padilla, 14 na empleyado mula sa molecular testing laboratory nang nasabing ospital ay nahawaan ng COVID-19 at kasukuyang sumasailalim sa quarantine.
Sinabi pa ng alkalde na ang mga apektadong personnel ay hindi kaagad mapalitan dahil ang mga ito ay may mga special skills at knowledge na kailangan para sa specific functions.
Muling iginiit ni Yorme na sa simula pa lang, hangad talaga ng lokal na pamahalaan ng Maynila na maibigay o makuha ng indibidwal ang resulta ng swab test sa loob ng 24 oras.
Pero dahil sa mga nasabing empelyado ng molecular lab na infected at naka- quarantine, bumabagal ang paglabas ng resulta kung saan sa ngayon ay 72 oras na bago lumabas ang resulta ng swab test.
Binigyang diin pa ni Mayor Isko na ang city government ay maraming makina para sa swab test analysis, pero ang problema ay mismong bilang ng mga tauhan.
Ganunpaman, tiniyak ng alkalde na ang libreng swab testing sa mga residente at hindi residente ay patuloy na ipagkakaloob sa Maynila ng libre kung saan maaari itong i-avail sa anim na district hospitals at drive-thru facility sa Quirino Grandstand sa Luneta.