Mayor Isko Moreno, inalis na ang ban sa e-tricycles

Binawi na ni Manila Mayor Isko Moreno ang inilabas na memorandum na nagbabawal sa electric tricycle o e-trike na bumiyahe sa lungsod.

Ito ay matapos makipagpulong ang alkalde sa mga driver ng e-trike sa Maynila.

Ayon kay Mayor Isko – nauunawaan niya ang pangangailangan ng mga ito lalo na at may pamilya rin silang sinusuportahan.


Gayunman, mahigpit silang pinagbabawalan na bumiyahe sa mga pangunahing kalsada sa Maynila at huwag magpapasaway sa lansangan.

Nangako rin ang alkalde na isusulong nilang maibaba ang boundary ng mga e-trike driver sa 100 pesos mula sa dating 150 pesos.

Kaugnay nito sinabi naman ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna na bibigyang prangkisa ng city council ang mga e-trike operator.

Aayusin lang aniya nila ang klasipikasyon nito, ruta at maging dapat na pamasahe.

Facebook Comments