
Nagbabala si Manila Mayor Isko ‘Yorme’ Moreno na kakasuhan ang mga dating empleyado ng Manila City Hall dahil sa ‘pag-hostage’ sa official social media account ng pamahalaang lungsod.
Ayon kay Moreno, ayaw ibigay ng dating administrasyon ang Manila Public Information Office (PIO) Facebook page.
Sabi ng alkalde, ipinag-utos na niya ang pagsulat sa Meta Philippines para mabawi ang page at ilipat sa bagong City Public Information Officer na si Director E-Jhay Talagtag.
Kailangan aniyang ibalik ito dahil pagmamay-ari ng pamahalaan ang naturang social media page.
Sinabi pa ni Yorme na kakailanganin ito ng lungsod para sa pagpapakalat ng impormasyon sa panahon ng krisis at kalamidad.
Samantala, isinasagawa ngayon ang unang command conference sa Manila Police District (MPD) sa pangunguna ng alkalde.









