Umaapela si Mayor Francisco “Isko” Moreno sa publiko na ipagdiwang ang Pasko nang ligtas at maging responsable hindi lamang para sa sarili maging sa lahat ng bagay.
Ayon kay Mayor Isko, pinagtrabahuhan at pinaghirapan ng lahat ang mga hakbang at programa kontra COVID-19 upang maging masaya ang Pasko ngayong taong ito.
Pero, huwag daw sanang kalimutan ng lahat na mayroon pa rin COVID-19 at aniya, baka makalimot ang publiko dahil sa sobrang kasiyahan.
Binigyang diin ng alkalde na ang lahat ay dapat na maging sobrang ingat at ugaliing palagi ang sariling disiplina dahil responsibilidad ng bawat isa na pangalagaan ang sarili na huwag mahawa ng virus.
Pinag-iingat din ng alkalde ang lahat sa malaking banta ng Omicron variant kung saan kahit papaano ay nagagawa pa namang makontrol ng gobyerno ang sitwasyon hinggil sa nasabing bagong variant ng COVID-19.
Sinabi pa ng alkalde na ang mga pagsisikap ng mga nasa likod ng vaccination program ay nagresulta sa pagkakabakuna ng target na eligible vaccinees at natamo ang herd immunity o population protection.
Ipinaaalala pa ng alkalde sa publiko na ang bakuna ay hindi nagkakaloob ng immunity dahil proteksyon lamang ito upang huwag mauwi sa severe o critical condition ang isang indibidwal sakaling siya ay dapuan ng virus.