Mayor Isko Moreno, may pakiusap sa mga driver na nagtataas na ng singil sa pasahe

Nakiusap si Manila City Mayor at Aksyon Demokratiko presidential bet Isko Moreno sa mga driver ng jeep na nagtataas ng singil ng pasahe kahit walang pahintulot mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na huwag itong gawin.

Aniya, sa ganitong panahon na marami ang naghihirap ay dapat pairalin ang malasakit at pang-unawa sa kapwa.

Bagama’t kawawa ang mga tsuper dahil sa sampung sunod na linggo ng taas-presyo ng petrolyo ay iginiit ng alkalde na dapat din intindihin na kawawa ang mga pasahero.


Dahil dito, umaasa si Mayor Isko na mapagbigyan ang kanyang mga panawagan sa national government hinggil sa excise tax ng krudo at kuryente para maibsan ang paghihirap ng tao.

Kaugnay nito, naniniwala siya na may panahon pa para maaksyunan ng Kongreso ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa.

Ayaw niyang pangunahan ang mga mambabatas kaya’t nakikiusap siya na bawasan na muna ang excise tax ng 50% o tuluyan na muna itong kanselahin para sa kapakanan ng taumbayan.

Facebook Comments