Mayor Isko Moreno, may panawagan sa mga OFWs at returning Filipinos hinggil sa isyu ng quarantine

Nanawagan si Mayor Isko Moreno sa lahat ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at returning Filipinos na samantalahin ang Manila COVID-19 Field Hospital kung saan sila puwedeng ma-accommodate upang mag-quarantine nang libre sa halip na gumastos sa ibang pasilidad.

Ayon kay Moreno, kinakailangan lamang na makipag-ugnayan ang mga OFW sa Bureau of Quarantine kung saan maaari nilang hilingin na huwag na silang dalhin sa hotel kungdi sa Manila COVID-19 Field Hospital na lamang.

Aniya, ang pagbibigay ng libreng accommodation sa mga OFWs at Filipino returnees ay isang maliit na tulong lamang na maipagkakaloob ng pamahalaang lungsod ng Maynila.


Tiniyak ng alkalde na ang lahat nang mag-a-avail ng free accommodation sa field hospital ay magiging komportable at walang iintindihing gastos kahit isang sentimo hanggang sa sila ay gumaling.

Binanggit din niya na maraming requests ang natatanggap ng city government mula sa mga OFWs at Filipino returnees para sa free accommodation, dahil ayaw ng mga ito na ang bahagi ng kanilang kinita sa ibang bansa ay mapunta lamang sa hotel expenses habang naka-quarantine.

Base naman sa records mula sa Manila COVID-19 Field Hospital, simula noong December 31 noong isang taon, mahigit 100 OFWs at Filipino returnee ang kanilang na-accommodate.

Facebook Comments