Mayor Isko Moreno, nagpahatid ng tulong sa mga nasalantang residente ng Bohol

Personal na ipinaabot ni Mayor Francisco “Isko” Moreno ang kaniyang tulong at mga nalikom ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa pamahalaang panlalawigan ng Bohol.

Ito’y para sa mga kababayan natin na lubos na naapektuhan ng Bagyong Odette.

Tinanggap mismo ni Bohol Governor Arthur Yap ang mga tulong na kinabibilangan ng mga generator sets mula sa isang pribadong kompaniya at financial assistance na nagkakahalaga ng 1 milyong piso.


Ang 500,000 dito ay galing sa Manila Local Government Unit (LGU) alinsunod sa ipinasang resolusyon ng konseho at P500,000 naman mula sa iba’t ibang opisyal sa lungsod at mga organisasyon tulad ng Associated Workers Union of Manila at ng Metro Urdaneta Club Inc.

Layunin ni Mayor Isko na makapagbigay ng mabilisang tulong sa mga kababayan natin na matinding tinamaan ng Bagyong Odette.

Bukod dito, nauna na nagpadala ng tulong si Mayor Isko sa Cebu at naghahanda na rin sila na magpadala sa Palawan.

Kaugnay nito, kinansela muna ng alkalde ang iba niyang mga lakad upang matulungan ang iba pang nasalanta ng bagyo habang nananawagan ito sa iba na isantabi muna ang politika at unahin ang serbisyo sa mga naapektuhan ng bagyo.

Facebook Comments