Mayor Isko Moreno, wala pang napipili na makakasama sa kaniyang senatorial line-up

Wala pang napipili si Manila Mayor Isko Moreno na magiging kasama sa kaniyang senatorial line-up matapos ang kaniyang pagproklama na tatakbong presidente sa darating na 2022 national elections.

Aniya, welcome ang sinumang indibidwal na sumama sa kaniyang line-up para tumakbo sa pagkasenador.

Iginiit ni Mayor Isko na handang-handa na siya sa pagtakbo sa pagkapangulo kung saan handa na rin siyang tanggapin ang anumang kritisismo dahil ito ay isa ring hakbang para magkaroon ng maayos na polisiya at serbisyo publiko.


Umaapela rin ang alkalde na bigyan sana ng pagkakataon si Doctor Willie Ong na makasama niya sa pagpapatuloy na makatulong sa publiko at muli rin niyang sinabi na hindi siya nagkamali ng pagpili sa doktor.

Iginiit pa ni Mayor Isko na kung papalarin, kaniya namang ipagpapatuloy ang magagandang proyekto ng bansa at wala siyang planong sisihin ang nakaraang administrasyon at maiging harapin na lamang ang sitwasyon ng bansa.

Pero babala ni Mayor Isko, hindi naman niya kukunsintihin ang nga gumagawa ng anomalya at wala siyang planong pagtakpan ang katotohan kung saan siya mismo ang magtatanggal sa kanila sa serbisyo.

Nabatid na kapwa nakikita ng dalawa ang kasalukuyan kalagayan at sitwasyon ng bansa dulot ng COVID-19 pandemic kaya’t nabuo na ang kanilang desisyon na tumakbo sa susunod na halalan.

Facebook Comments