Hiniling ni Pamplona Mayor Janice Degamo sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na amyendahan ang matagal nang polisiya ng Philippine National Police (PNP) na hindi pagpiprisinta ng mga suspek sa publiko.
Ang apela ng alkalde ay bunsod ng hindi pagprisinta ng Dumaguete police sa larawan ng mga sinasabing gunman sa pagpatay sa kanyang asawa na si Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Sa pagdinig ng Senado, humirit si Mayor Degamo na baguhin ang nasabing protocol sa pamamagitan ng lehislasyon.
Ipinaliwanag naman ni Dumaguete Police Chief PCol. Ramoncelio Sawan na mayroong polisiya ang PNP laban sa pagparada o pag-di-display ng mga suspek na kanila lamang sinusunod kasabay ng pagdepensa na walang “strategic o tactical” sa hakbang na ito.
Sinabi naman ni Senator Jinggoy Estrada na hindi na kailangan ng bagong batas para dito at maaaring ang PNP chief ay maglatag na lamang ng bagong rules sa kanilang institusyon.
Aniya pa, noong siya ay naging alkalde ng San Juan ay naipapakita niya ang larawan ng mga suspek sa mga karumal-dumal na krimen at wala naman siyang naging kaso ng paglabag sa human rights.