Ipinunto ng bagong alkalde ang kahalagahan ng kalusugan lalo na ngayong panahon ng pandemya sa pamamagitan ng pag-eehersisyo at tamang pagkain para mapanatili ang malusog na pangangatawan.
Hinikayat ng alkalde ang lahat ng Cauayeño na mag exercise kada araw gamit ang ating magandang pasilidad na bagong gawang Sports Complex o di kaya’y kahit maglakad-lakad o mag- jogging sa lugar kung saan mas komportable.
Ipinababatid din nito na mayroong 50 percent na discount ang lahat ng mga kawani ng LGU Cauayan na gustong mag-work out sa isang gym o pasilidad dito sa Lungsod basta ipresenta lamang ipresenta ang government ID. At bilang bahagi ng selebrasyon ng Nutrition Month sa Lungsod ay magkakaroon muli ng “Padyak para sa Kalusugan at Nutrisyon” na papakinabangan ng lahat ng mga barangay dito sa Siyudad.
Ayon sa alkalde, isang simbolo aniya ito na kahit tayo ay nasa pandemya ay mayroon pa ring mga ginagawang paraan para mapanatili ang malusog na pangangatawan ng bawat Cauayeño. Samantala, plano ring isingit sa mga gagawing aktibidades ngayong buwan ng Hulyo ang pagsagawa ng “The Biggest Loser” kung saan pararangalan ang mga mananalo sa kompetisyon sa darating na Disyembre.
Sinabi ng alkalde na pag-uusapan nila ito ng kanyang mga konsehal kasama ang City Nutrition Office para maisakatuparan ang kanyang panukala.
Nagpaalala rin ito sa mga Cauayeño lalo na sa mga may kalakihan ang katawan na balansehin ang mga kinakain gaya ng pagbabawas ng mga kinakain na carbs o kanin; alagaan at bigyan ng oras ang sarili para makapag-ehersisyo dahil mas mahalaga pa rin aniya na unahin muna ang pagsasaalang-alang sa ating kalusugan.