MAYOR JAYCEE DY JR., TINIYAK NA MASOSOLUSYUNAN ANG MGA HINAING NG MARKET VENDORS

Cauayan City, Isabela- Matapos mailatag sa isang open forum ng mga vendor’s president ng pribadong pamilihan sa Lungsod ng Cauayan, tiniyak naman ni City Mayor Jaycee Dy Jr., na mayroong mangyayaring pagbabago at tugon sa kanilang mga nabanggit na hinaing.

Para may assurance, hiningi ng alkalde ang timeline ng pamunuan ng Primark kung kailan uumpisahan ang pagtugon sa problema ng mga market vendors dahil pangunahin aniya ang Primark na dapat sasagot sa mga hinaing ng mga tenants.

Kanyang sinabi na kahit noong hindi pa ito Mayor ay pareho pa rin hanggang ngayon ang problemang dinudulog ng mga market vendors.

Isinuhestiyon nito na dapat unahin nang galawin ang pagsasaayos at paglilinis sa mga drainage canal na pangunahing sanhi ng pagbaha sa palengke.

Kung hindi pa rin aniya umaksyon ang Primark Cauayan ay siya na aniya mismo ang magtutungo sa head office para personal na kausapin ang pinuno ng Primark para lamang matugunan sa lalong madaling panahon ang problema sa palengke.

Maaari rin aniyang idirekta sa kanya kung wala pa ring ginagawa ang pamunuan ng Primark at kung mayroong iba pang reklamo.

Umaasa naman ang alkalde na maramdaman na ng mga Cauayeño ang aksyon ng Primark sa loob ng dalawang Linggo.

Samantala, nagpahiwatig naman ng suporta si Congressman Inno Dy sa pagtugon sa problema ng mga Market vendors sa Lungsod ng Cauayan.

Facebook Comments