Mayor Joy Belmonte, inaprubahan ang mga SONA rallies sa Lunes; mga kondisyon, inilatag

Pinayagan ni Mayor Joy Belmonte ang mga State of the Nation Address (SONA) related rallies sa Lunes. Pero, naglatag ng mga kondisyon ang Local Government Unit (LGU).

Nagkasundo ang Quezon City government, ang Quezon City Police District (QCPD) at ang iba’t ibang progressive groups para sa ilalatag na health protocols lalo pa’t may banta ng Delta variant ng COVID-19.

Ito ang naging resulta ng naging pulong nina Mayor Joy Belmonte, Quezon City Police Chief General Antonio Yarra, City Attorney Orlando Paolo Casimiro and Chief of Staff Rowena Macatao kina Renato Reyes (Bayan Muna), Joshua Mata (Sentro), Flora Santos (Sanlakas), Gio Tiongson (Akbayan) at Dante Lagman (Bukluran ng Manggagawang Pilipino).


Nangako ang mga rally organizer na titiyaking hindi makokompromiso ang public health sa kanilang isasagawang SONA-related activities.

Kabilang sa kondisyon ni Belmonte ay ang pagsusumite sa City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ng mga pangalan at contact details ng mga makikibahagi.

Gusto rin ng lady mayor na ang mga fully vaccinated lang ang padaluhin sa rally upang mabawasan ang health risks.

Pumayag din ang mga rally organizer na hindi na aabot sa St. Peter’s chapels at hindi na rin magdaraos ng programa sa Commonwealth Avenue para ‘di na maka-abala sa daloy ng trapiko.

Paiikliin na rin ang kanilang mga programa sa kanilang mga assembly areas para makaiwas sa exposure sa COVID-19.

Facebook Comments