Manila, Philippines – Iginiit ni Akbayan Rep. Tom Villarin na hindi ligtas si Iloilo City Mayor Jed Mabilog sa paglipat ni Police Chief Inspector Jovie Espenido sa Iloilo bilang hepe doon ng PNP.
Sinabi ni Villarin na kung ipagpapatuloy ang mala Wild West na bounty hunting leadership ni Espenido sa Iloilo kung saan kadalasan ay patay na nitong nakukuha ang target, tiyak na hindi makakaligtas ang Alkalde.
Mahirap din aniyang makipag-argumento sa isang law enforcer na may ganoong mindset.
Makailang beses na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Mabilog na nasa narco-list dahil sa pagkakanlong sa mga drug lords sa Iloilo.
Kahit pa nakapanumpa si Mayor Mabilog bilang myembro ng PDP Laban at ngayon ay kaalyado na ng Presidente, tiyak na patuloy ang pamamaraan sa kampanya laban sa iligal na droga.