
Hinikayat ni House Deputy Speaker at Lanao del Sur 2nd District Representative Yasser Balindong si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na humingi ng paumanhin sa Moro community.
Panawagan ito ni Balindong makaraang gamitin ni Magalong ang salitang “moro-moro” upang maliitin ang imbestigasyon ng Kamara kaugnay sa flood control projects.
Ipinunto ni Balindong na ang pagkakaroon ng magkakaibang opinyon sa ilalim ng umiiral na demokrasya sa ating bansa ay hindi dapat humantong sa paninira ng dignidad ng kultura at kasaysayan.
Paliwanag ni Balindong, ang Moro-Moro ay isang dula noong panahon ng mga Espanyol na ginamit upang maliitin at insultuhin ang mga Muslim.
Kaya ang paggamit nito ay paalala sa mahabang panahon na pagdurusa at paghamak sa mga mamamayang Moro.
Binanggit naman ni Balindong na hindi mahilig sa drama ang Kamara at tinutupad lamang nito ang tungkulin na nakapaloob sa Konstitusyon na tiyaking nagagamit ng tama ang pera ng taumbayan.









