
Hinamon ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na humarap sa imbestigasyon ng House infra committee ukol sa mga palpak at maanumalyang flood control projects.
Ayon kay Abante, kung gusto talagang makatulong ni Magalong ay dapat magpresenta ito ng mga ebidensya at tumulong sa imbestigasyon sa halip na magbitiw ng mga salitang sumisira sa mga institusyon gaya ng Kamara na nais ding matugunan ang mga isyu ng flood control project.
Giit naman ni House Deputy Speaker at Zambales Rep. Jay Khonghun, mainam na makipagtulungan si Magalong sa imbestigasyon ng Kamara at suportahan ng mga ebidensya at sinumpaang salaysay ang alegasyon nitong may mga kongresistang sangkot sa korapsyon sa flood control projects.
Sinabi ni Khonghun na sa pagharap sa pagdinig ng Kamara ay dapat i-present ni Magalong ang listahan ng mga maanumlyang proyekto, procurement papers at disbursement records.
Una nang sinabi ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na chairman ng isa sa mga komiteng bumubuo sa House Infra Committee, iimbitahan nila si Magalong sa pagdinig upang mabatid kung sino ang 67 kongresista na sinasabi nitong kontratista sa mga flood control projects.









