
Tahasang pinasaringan ni Leyte Rep. Richard “Goma” Gomez sa kanyang post sa Facebook page ang isang mayor na nag-aakusa sa mga kongresista kaugnay sa mga maanumalyang flood control projects.
Giit ni Gomez, dapat mahiya ang naturang mayor na nag-iingay sa halip na asikasuhin ang sangkaterbang problema sa lungsod nito tulad ng lumalalang kalidad ng hangin, kawalan ng sapat na pampublikong transportasyon, palpak na sistema sa pagtatapon ng basura, pagiging overcrowded, mga nakatayong ilegal na istraktura at magulong urban planning.
Sa tingin ni Gomez ang pangunahing puntirya ng naturang alkalde ay ang kongresista sa kanyang lungsod na mas maraming nagagawang proyekto kumpara sa kanya.
Kaya naman giit ni Gomez, hindi dapat dinadamay ng naturang mayor ang lahat ng mga kongresista para lamang ibida at palabasing magaling ang kanyang sarili at malagay sa mga headlines.
Walang pinangalanan si Gomez pero magugunitang kamakailan ay inihayag ni Baguio City Mayor Benjamin “Benjie” Magalong na may 67 mga kongresista ang sangkot o tumatangap ng kickback sa flood control projects.









