Mayor ng isang maliit na bayan, tinukoy ng isang senador na karelasyon ni Mayor Alice Guo at sangkot din sa POGO sa Tarlac

Tinukoy ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada na isang alkalde sa maliit na bayan sa Pangasinan ang posibleng sangkot sa operasyon ng POGO Hub sa Bamban, Tarlac na konektado kay Mayor Alice Guo.

Ayon kay Estrada, batay sa kanyang mapagkakatiwalaang source ang sinasabing “lover o partner” ni Guo ay isang local official na sangkot sa POGO operations sa Tarlac.

Posibleng ipatawag ng senador ang umano’y karelasyon ni Mayor Guo pero sa ngayon ay hindi pa muna dahil nangangalap pa siya ng mga dagdag na impormasyon.


Hindi man binanggit kung sino pero sinabi ni Estrada na incumbent na alkalde sa isang maliit na bayan ang kasintahan ni Mayor Guo na posibleng kasabwat din sa POGO.

Matatandaang sa pinakahuling pagdinig ng Senado ay tinanong ni Estrada si Mayor Guo kung may asawa o boyfriend ito at ito naman ay agad na itinanggi ng Alkalde.

Naniniwala naman ang senador na posibleng kumikilos na rin ang DILG para imbestigahan ang naturang lokal na opisyal at ginagawa lamang ito sa discreet o hindi halatang paraan.

Facebook Comments