Pagbibigay ng gantimpala ang naisip na paraan ng mayor sa isang bayan sa Poland, para undyukin ang mga residente rito na makapagsilang ng anak na lalaki.
Siyam na taon na kasing walang ipinapanganak na lalaki sa bayan ng Miejsce Odrzańskie na mayroon lamang 300 na populasyon, karamihan dito ay mga babae.
Umaasa ang mayor na si Rajmund Frischko na mahihikayat ng alok niyang pabuya ang mga mag-asawa na makabuo ng sanggol na lalaki.
Ayon sa alkalde, sinasabi ng mga nakatatandang residente roon na “pattern” na ang pagkakaroon ng mas maraming babae kesa lalaki.
Sinimulan na rin daw pag-aralan ni Frischko ang mga historical record gaya ng mga birth certificate para kumpirmahin ang paniniwala ng mga nakatatanda.
Gayunpaman, gusto pa rin niyang ikonsulta ang sitwasyon sa mga eksperto.
Ayon naman sa ibinigay na payo ng isang mataas na propesor sa Medical University of Warsaw, kailangan umano kumpirmahin sa birth statistics kung hindi magkakadugo ang mga magulang ng mga batang babae.
Sunod nito, dapat ay magsagawa raw ng panayam sa mga magulang at bata para pag-aralan ang kondisyon ng paligid.
Sa ngayon habang isinasagawa ang masinsinang pananaliksik, pabuya muna ang naisip na paraan ng alkalde.
Hindi naman isinawalat kung anong klaseng pabuya, “but I assure you that the gift will be attractive,” aniya.