Mayor Sara Duterte, makabubuting italaga bilang Special Envoy sa China

Hinikayat ni Senator Imee Marcos si Pangulong Rodrigo Duterte na magtalaga ng Special Envoy sa China para talakayin ang patuloy na presensya ng Chinese militia sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Diin ni Marcos, mas mainam kung miyembro ng Pamilya Duterte tulad ni Davao City Mayor Sara Duterte, ang itatalaga bilang Special Envoy sa China.

Paliwanag ni Marcos, “maka-Asyanong istratehiya” ang paglalapat ng personal na kaugnayan sa bilateral talks sa China at para na rin masiguro ang tuwirang pagtalakay sa pangulo ng mga resulta.


Nirekomenda rin ni Marcos na magkaroon ng “verbal ceasefire” na umaayon sa patakaran ni Pangulong Duterte na huwag idaan sa komprontasyon at sa halip ay itulak ang parehong adhikain ng China at iba pang bansang umaangkin sa Spratly Islands para mapakalma ang tensyon sa seguridad sa West Philippine Sea.

Tinukoy rin ni Marcos na mga solusyon ang bilateral at multi-state negotiations na dapat iakyat ng gobyerno sa susunod na lebel gayundin ang pagkumpleto na sa joint South China Sea Code of Conduct sa pagitan ng ASEAN states at China.

Inihalimbawa ni Marcos ang Malaysia at Vietnam na nagsasapinal na ng memorandum of understanding para pare-parehong makinabang sa mga pinagtatalunang isla.

Facebook Comments