Handa si Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano na magpaliwanag sa Department of the Interior and Local Government (DILG) matapos siyang mapaulat na “missing in action” nang bumaha sa kanilang bayan dahil sa kasagsagan ng Typhoon Ulysses.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ng alkalde na hindi nakasailalim sa anumang storm signal ang Tuguegarao City at Cagayan nang siya ay umalis.
Sinubukan niyang bumalik noong November 12 pero hindi siya nakalusot sa NLEX dahil ito ay sarado.
November 13 nang dumating siya sa Tuguegarao at agad na nagsagawa ng rescue operations.
“For the first time po, nabigla kami, biglang lumaki ang tubig. Nandito na po ako noong 13th. Bumalik po ako in time for our rescue. So hindi naman po accurate ‘yong impormasyon na wala ako rito noong kasagsagan ng flooding. I was here. I was already directing the rescue operation, alam po ng tao ‘yon,” paliwanag ni Soriano.
Una rito, naging isyu ang kinaroroonan ng alkalde noong kasagsagan ng pagbaha matapos na idaan ng mga residente sa social media ang panawagan nilang rescue.
Ayon sa DILG, ang absence ni Soriano ay malinaw na paglabag sa protocols.
Samantala, nakahanda na ang paliwanag ng alkalde at umaasa siyang maisusumite ito sa DILG ngayong araw.