Mayor Teodoro, humihingi na ng tulong sa mga kapwa mayor dahil sa mga kababayang hindi pa nare-rescue

Umapela si Marikina City Mayor Marcy Teodoro sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na tumulong na sa pagsasagawa ng rescue operation dahil marami pang mga residente ang nasa kani-kanilang mga tahanan dahil sa mataas na tubig baha sa Marikina City.

Ayon kay Mayor Teodoro, ilang mga Local Government Unit (LGU) ang tumugon na sa panawagan ng MMDA na tumulong sa pagsasagawa ng rescue operation gaya ng Lungsod ng Makati at Navotas kung saan nagpadala na sila ng mga tauhan ng rescue team para tulungan ang mga residenteng hindi nakababa sa mga bubong ng kani-kanilang mga tahanan.

Dagdag pa ng alkalde, nabigla umano ang mga residente sa biglang pagtaas ng tubig baha dahil hindi nila inaasahang tataas ito hanggang bubong ng kanilang mga tahanan.


Paliwanag ni Mayor Teodoro, mas matindi pa umano sa nakaraang Bagyong Ondoy ang dulot ng Bagyong Ulysses bagama’t nagsagawa umano sila ng preemtive evacuation pero nabigla umano ang mga residente sa mabilis na pagtaas ng tubig baha.

Sa ngayon ayon sa alkalde, nasa 21.9 meters na lamang ang water level sa Marikina River, hindi kagaya kaninang madaling araw na umabot ito sa 22 meters, mas mataas pa noong may Bagyong Ondoy

Nanawagan si Mayor Teodoro sa mga nais na tumulong na magpadala ng ready to eat o lutong pagkain na.

Kailangan din ng mga gamot at vitamins para sa mga sanggol na posibleng magkasakit dahil halos nagsisiksikan na sila sa mga evacuation center.

Facebook Comments