Hindi pumayag ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa hiling ni Pasig city Mayor Vico Sotto na makabyahe ang tricycle sa kanilang lungsod para maisakay ang mga health workers sa kabila ng month-long suspension ng mass transportation kasunod nang umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa Laging handa public press briefing sinabi ni DILG Under Secretary Jonathan Malaya na potential carrier ang bawat isa ng Novel Coronavirus dahilan para ipatupad ng gobyerno ang strict home quarantine
Iminungkahi pa ni Under Secretary Malaya kay Mayor Sotto na gawin ang hakbang ng ilang Local Government Units (LGUs) sa Metro Manila na nagkakaloob ng libreng sakay lalong lalo na sa mga Health Workers.
Sa katunayan, ilang LGUs ang nanghiram ng mga bus mula sa ilang pribadong sektor para duon isasakay ang mga health workers at ilang manggagawa na exempted sa ECQ.
Katwiran ni Malaya, kapag pinagbigyan kasi nila si Mayor Sotto sa hirit nito ay magsusunuran narin ang ibang alkalde sa Metro Manila kung saan kapag kanila itong pinagbigyan lahat ay mababalewala ang strict home quarantine para ma-contain ang COVID-19.