Mayor Vico Sotto, humingi ng paumanhin sa nangyaring kaguluhan sa pagpapasa ng form para sa kanilang TUPAD program

Personal na humihingi ng panahon si Pasig City Mayor Vico Sotto sa nangyaring kaguluhan sa dalawang venue ng pagpapasa ng form para sa kanilang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD program.

Ayon kay Mayor Vico, una niyang natanggap ang ulat ng Peace & Order Department ng Pasig Local Government Unit (LGU), maayos ang pila nung nag-umpisa ito partikular sa Plaza Bonifacio.

Pero biglang may sumigaw na kada barangay ang pila kaya nagkagulo-gulo ang pilahan.


Habang sa Rainforest Park na isa pang venue ay nagkaroon ng tulakan papasok ng gate at nag-unahan ang mga tao nung bumukas ito.

Mabilis naman nakontrol ng mga tauhan ng Peace & Order Department ang sitwasyon katuwang ang mga pulis kaya’t naayos kaagad ang sitwasyon sa dalawang lugar.

Muling iginiit ng alkalde na una ng inanunsiyo na ihuhulog lang sa drop box ang mga form at walang gagawing interview kung saan mabilis lang ang proseso kahit mahaba ang pila.

Nagpaliwanag naman si Mayor Vico kung bakit hindi sa barangay idinaan ang TUPAD.

Aniya, ilang beses na itong sinubukan ng Public Employment Service Office (PESO) subalit nagkakaroon ng problema sa listahan ng ibang barangay.

Sinabi pa ng alkalde na may iilang barangay na puro kamag-anak ng staff ang nasa listahan, mayroon ding lagpas sa naka-assign na slots nila ang pinasa saka sinisi ang PESO kapag tinanggal ang sobra.

Kaya’t dahil dito, minabuti muna ng PESO na first come, first serve ang paghulog sa dropbox ang sistema para maiwasan ang palakasan.

Facebook Comments