Humingi ng tawad si San Juan City Mayor Francis Zamora kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong at sa mamamayan ng siyudad makaraang ang aniya’y hindi pagkakaintindihan nang magpunta sa lugar noong Biyernes, Hunyo 5.
Sa isang pahayag, nilinaw ng alkalde na wala silang intensiyon na lumabag sa umiiral na health protocols ng lungsod kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Zamora, inihatid niya ang misis na may stage 3 breast cancer sa Baguio City upang doon magpahinga at ituloy ang pagpapagaling para sa nasabing karamdaman.
Nakatakda rin sumunod ang kapatid ng asawa sa siyudad kung nasaan ang lumang bahay ng pamilya nito.
Kaagad naman daw sumailalim ang grupo niya sa triage nang puntahan sila ng mga medical worker mula sa city health office sa hotel na panandaliang tinuluyan.
Dagdag ng opisyal, natutulog siya sa loob ng sasakyan nang maganap ang kontrobersiyal na insidente.
Nitong Linggo, inihayag ni Mayor Benjamin Magalong na nilampasan ng six-car convoy ni Zamora ang quarantine control checkpoint patungong Baguio Country Club.
Mariing binatikos ng mga residente roon ang ginawang pagsuway ng kampo ng San Juan City mayor at nanawagan na ideklara ito bilang persona non grata.