Mayorya at minorya sa Senado, pumalag sa pahayag ni Finance Sec. Diokno na maaari pa ring gamitin ang pension funds ng SSS at GSIS sa mga proyekto ng Maharlika Fund

Pumalag ang parehong lider ng mayorya at minorya sa Senado sa naging pahayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno na maaari pa ring gamitin ang pension funds ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) para pondohan ang mga proyekto ng Maharlika Investment Corporation (MIC).

Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, walang puwang ang anumang interpretasyon dahil malinaw namang nakasaad sa probisyon ang mahigpit na pagbabawal sa paggamit ng pondo ng ahensya ng gobyerno at mga Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC) na nagkakaloob ng social security at public health insurance para sa Maharlika Investment Fund (MIF).

Nakasaad sa probisyon ng MIF Bill na ang mga pension funds sa ilalim ng SSS, GSIS, Philippine Health (PhilHealth), Pagtutulungan sa Kinabukasan: Ikaw, Bangko, Industriya at Gobyerno (PAGIBIG), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) ay hindi kailanman maaaring gamitin na pampondo sa mga proyekto ng korporasyon mandatory o voluntary man ito.


Tinukoy ni Villanueva na tatlong beses na binanggit sa inaprubahang MIF Bill ang prohibition sa paggamit ng pondo ng mga nasabing ahensya at tanggapan.

Tanong naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, bakit ba masyadong interesado ang gobyerno sa paggamit ng pondo ng GSIS at SSS.

Giit ni Pimentel, “hands off” dapat ang pamahalaan sa paggamit sa pondo ng GSIS at SSS dahil ito ay private funds ng kanilang mga myembro.

Sinita pa ng senador ang tila ‘play of words’ ng gobyerno na umiiwas na gamitin ang mga salitang Initial Capital, Additional Capital at Bonds at sa halip “Subscribe to Projects” ang gagamitin na sa madaling salita ay popondohan ang mga proyekto ng Maharlika Investment Fund Corporation.

Facebook Comments