
Napagkasunduan ng mayorya na bago ang 2028 elections ay pauupuin bilang unang babaeng Senate President si Senator Loren Legarda.
Ito ang sinabi ni Senate Majority Leader Migz Zubiri matapos ang paglilinaw na hindi term-sharing ang mangyayari sa pagitan nina Senate President Tito Sotto III at Legarda kundi isang agreement o kasunduan na inaasahang mangyayari bago ang 2028 elections.
Ayon kay Zubiri, batid niya ang kakayahan ni Legarda at “very qualified” itong maging lider kaya tinawag niya itong future Senate President.
Inaasahang mangyayari aniya ang pagpapalit ng liderato sa paglipat nila sa New Senate Building sa huling bahagi ng 2027.
Nagsimula aniya ito sa isang joke noong magsama-sama sila sa lounge habang naka-suspend ang sesyon pero ito ay sinangayunan ni Sotto at wala sa kanila ang tumutol dito.
Sinabi ni Zubiri na maging siya ay handang ibigay ang kanyang posisyon na majority leader sa kanyang deputy na si Senator JV Ejercito.










