Nakakaranas na ng peak o malapit nang mag-peak ang bilang ng COVID-19 cases ng karamihan sa mga lugar sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni OCTA Research Team Dr. Guido David na base sa experience ng South Africa, naging mabilis lamang ang wave o ang biglang pagsipa at pagbaba rin ng COVID-19 cases sa kanilang bansa.
Katunayan aniya, sa Metro Manila ay nasa isang buwan pa lamang ang nakalilipas mula nang makaranas ng COVID surge sa rehiyon, ngunit ngayon ay nasa 2, 000 na lamang ang mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19.
Mayroon lamang aniyang mga lugar sa bansa, tulad sa Mindanao na tumataas pa rin ang kaso, dahil huli ang mga ito na nakaranas ng COVID surge.
Ayon kay Dr. David, kahit nag-peak na ang COVID cases sa mas maraming lugar sa bansa, hindi pa rin aniya dapat na magpaka-kampante ang publiko.
Kailangan pa rin aniyang mag-ingat, lalo’t marami pa rin ang mga nahahawa ng virus, lalo na sa mga lugar na mababa pa ang COVID-19 vaccination coverage.