Mas marami na ang puwerto o daungan na maaaring paghatiran ng relief, equipment at iba pang tulong para sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette.
Batay sa ulat ng Philippine Ports Authority (PPA) sa ginaganap na briefing ng House Committee on Transportation, sa 47 na ports sa anim na rehiyon na sinalanta, lima na lamang dito ang hindi pa madadaungan dahil sa matinding pinsalang tinamo sa bagyo.
Samantala, sa ulat naman ng Cebu Port Authority, 16 ang puwerto rito kung saan walo ang nasira ng bagyo pero isa lang ang hindi pa madadaungan ng mga ihahatid na relief at iba pang tulong.
Inulat naman ni Maritime Industry Authority (MARINA) Director Luisito delos Santos na 111 na mga barko at 300 motorbancas ang nasira dahil sa Bagyong Odette.
Sa 28 ruta, tatlo naman dito ang hindi pa madadaanan.
Gayunman, mayroong 75 barko ang bumabyahe ngayon sa iba’t-ibang ruta para maihatid ang mga kinakailangang relief goods at paglikas sa mga stranded individuals.
Nanawagan naman ang MARINA sa mga domestic ship operators na tumulong at i-deploy ang kanilang mga barko sa mga islang hinagupit ng bagyo nang sa gayon ay matulungan ang gobyerno na maihatid agad sa oras ang kinakailangang interventions o tulong sa mga biktima ng bagyo.