Mayorya sa mga kabataang Pilipino na nasa edad 21 hanggang 30 taong gulang ang mas gugustuhing magtrabaho dito sa Pilipinas kesa sa ibang bansa.
Ito ay batay sa lumabas sa 2021 National Youth survey, kung saan 33 percent ng 4,900 respondents ang naniniwalang sapat ang mga oportunidad sa kanilang lugar na nasasakupan, mapa-lungsod o probinsya.
23% naman ang naniniwalang hindi sapat ang mga oportunidad at nag-iisip na maghanap ng trabaho sa ibang bansa, habang 20% ang naniniwalang may mga magandang trabaho sa ibang bansa, pero ayaw umalis ng Pilipinas.
Lumabas din sa nasabing survey, 9% ang nagsabing wala sapat na oportunidad sa kanilang lungsod o lalawigan, kaya’t napipilitang maghanap ng trabaho sa ibang bansa.
Habang, 8% ang mas piniling magtrabaho at manirahan sa ibang bansa at 7% naman ang naguguluhan pa kung saan sila maghahanap ng mga trabaho.
Samantala, 76% din ng mga respondent ang kumpiyansang magiging maayos ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa susunod na limang taon.
Layon ng isinagawang survey na magsilbing basehan sa kasalukuyang trends para makapaglatag ng mga hakbang sa pag-unlad ng kabataan.
Matatandaang, 1996 pa ang huling isinagawang National Youth survey.