Inihayag ni Department of Education (DepEd) Usec. Diosdado San Antonio na mayorya ng mag-aaral sa Pilipinas ang nakamit ang itinakdang performance ng ahensiya sa gitna ng umiiral na distance learning dahil sa COVID-19.
Ayon kay Education Usec. San Antonio, batay ito sa natanggap nilang datos mula sa mga regional directors para malaman kung tagumpay ang first quarter ng distance learning.
Pero aniya bagama’t maganda ang resulta, marami pa rin sa mga mag-aaral ang bigong makapagpasa ng mga itinakdang requirements dahil sa internet.
Samantala, kasabay nito hinimok ni Senator Sherwin Gatchalian ang DepEd na pabilisin pa ang pamimigay ng subsidiya sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).
Kasunod ito ng ulat ng Commission on Higher Education (CHED) na aabot sa P5,000 halaga ng subsidiya ang naibigay na sa 54,000 mag-aaral mula sa private colleges at universities na hindi pa nakakabayad ng tuition at miscellaneous fees.
Paliwanag ni Gatchalian, maraming mag-aaral ang matagal nang naghihintay ng tulong pinansyal pagdating sa mga pangangailangan sa edukasyon.
Ang mga kwalipikadong estudyante na kasama sa basic education ay ang mga mag-aaral na hindi sakop ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Listahanan, Education Service Contracting Program at Senior High School Voucher Program.