Mayorya ng mga Pilipino ang ikinokonsiderang ang maagang pagbubuntis ang pangunahing problema sa mga babae.
Batay sa datos ng Social Weather Station (SWS) na isinagawa nitong November 2020 na iprinisenta rin sa Commission on Population and Development (POPCOM), lumabas na 59 percent ng 1,500 respondents ang nagsabing ang maagang pagbubuntis ang nangungunang problema.
Pumangalawa naman ang physical violence sa mga problema na nakakuha ng 11 percent, hindi inaasahang pagbubuntis na 11 percent at 7 percent ang sexual at emotional violence.
Ang Mindanao ang nanguna sa mga lugar na nagsabing ang maagang pagbubuntis ang pangunahing problema sa mga babae.
Samantala, kaugnay nito nadagdagan naman ang mga kabataang Pilipino na nabubuntis dahil sa kakulangan ng pagtuturo.
Paliwanag ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development Foundation (PLCPD), mahalaga ang sexual education sa mga paaralan para mapigilan ang lalo pang pagtaas ng bilang ng maagang pagbubuntis.
Matatandaang batay sa huling datos ng POPCOM, umabot sa 62,510 kabataang Pilipino ang nabuntis nitong 2019 na mas mataas noong 2018 na nasa 62,341 lamang.
Patuloy namang itinutulak ng PLCPD ang panukalang pipigil sa pagtaas ng bilang ng mga kabataang maagang nabubuntis.