Ipinagmalaki ng Malacañang ang resulta ng pinakahuling survey ng OCTA Research kung saan lumabas na mayorya ng mga Pilipino ay naniniwalang nasa tamang direksyon ang bansa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon sa Office of the Press Secretary, nabasa sa 4th quarter ng 2022 Tugon ng Masa survey ng OCTA, 85% ng mga Pilipino ang kumbinsidong nasa tamang direksyon ang Pilipinas at 6% lamang ang hindi sang-ayon dito.
91% ng mga Pilipino sa Visayas ang nagsabing maayos na pinamumunuan ng pangulo ang bansa habang 87% sa Balance Luzon at 84% sa Mindanao ang pareho ng paniniwala.
Nasa 70% naman ng mga Pilipino sa National Capital Region (NCR) ang naniniwalang nasa tamang landas ang Pilipinas sa ilalim ng Marcos administration.
Kung pagbabatayan aniya ang socio-economic classes, pinakamaraming nasa Class D o lower middle class ang naniniwalang nasa tamang direksyon ang bansa.
Isinagawa ang OCTA survey mula October 23 hanggang 27 at nilahukan ng 1,200 respondents.