Mayorya ng mga Pilipino, naniniwalang ‘traveling’ ang sagot para mapanatili ang kanilang katinuan – survey

Karamihan sa mga Pilipinong biyahero ang naniniwalang ang paglalakbay o travelling ang sagot para manatili sila sa tamang pag-iisip sa harap ng pandemya.

Batay sa huling Philippine Travel Survey Report ng Department of Tourism (DOT), halos 30% ng respondents ang nagsabing kailangan nilang mag-travel para sa kanilang “katinuan.”

Nasa 20% naman ang sumagot na gusto nilang magkaroon ng “relaxed atmosphere”


Ang iba pang dahilan ay para “masanay sa basic health protocols,” “nakita ang advertisement sa social media na nagbuka na ang tourist destination,” “marami nang nasayang na oras dahil sa pandemya,” at “hindi nababahala sa banta ng virus.”

Lumalabas din sa survey na ang travelling ay ‘priority expense’ ng mga respondents.

Ang mga respondents na kabilang sa age groups na 31 hanggang 40, at 41 hanggang 50 ay handang gumastos ng 1,000 hanggang 3,500 para makabiyahe kapag natapos ang pandemya.

Ang mga may edad 60 pataas ay handang maglaan ng travel budget na 3,500 hanggang 5,000 pesos.

Mas pabor din sa mga respondents ang outdoor activities tulad ng pagpunta sa beach, hiking at biking.

Ang online travel survey ay isinagawa mula November 28 hanggang December 30, 2020 sa 7,243 travelers mula sa 78 probinsya sa bansa at 108 tourism enterprises.

Facebook Comments