Mayorya ng mga Pilipinong guro ang duda kung natututo ang mga estudyante sa ilalim ng distance learning setup.
Base ito sa nationwide online survey na isinagawa ng Movement for Safe, Equitable, Quality and Relevant Education (SEQuRe Education Movement), ang grupong una nang nagpahayag ng pagkabahala hinggil sa anila’y “looming learning crisis”.
Nilahukan ito ng 1,395 teachers, 1,207 parents at 620 grade 4 hanggang 12 student respondents.
Lumabas na 70.9 percent ng mga guro ang hindi kumpiyansang na-develop ang mga itinakdang learning competencies ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng distance learning.
Nasa 53% naman ng mga estudyante ang hindi sigurado kung matututunan nila ang mga aralin habang 42.7% ng mga magulang ang kumpiyansang nauunawaan ng kanilang mga anak ang kanilang lessons.
Lumabas din sa survey na 4 sa kada 10 student respondent ang nakakita ng mali sa mga ginagamit nilang modules.
Nasa 71 -72% ng mga estudyante at magulang ang nagsabing nakaranas sila ng kabiguang maka-attend sa online classes dahil sa problema sa gadgets, internet connection at distance learning expenses.
Ipinakita rin sa survey na 54.7% ng mga mag-aaral ang nagsabing nagdulot ng negatibo sa kanilang physical at mental health ang distance-learning activities.
Sa kabila nito, pito sa kada 10 estudyante ang nagsabing kumpinyansa silang makukumpleto ang school year.
Samantala, 46.7% ng mga guro ang naniniwalang hindi sapat ang ibinibigay na safety at health protection sa kanila ng DepEd.
Sa February 22, magpupulong ang Cabinet members ni Pangulong Rodrigo Duterte para talakayin ang hirit na ibalik ang face-to-face classes sa ilang lugar sa bansa.