Mayorya, umamin na planado ang impeachment kahapon kay COMELEC Chairman Bautista

Manila, Philippines – Inamin ngayon ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas na resulta ng desisyon kahapon sa caucus ang pagpapa-impeach kay COMELEC Chairman Andres Bautista.

Paliwanag ni Fariñas, ipinatawag niya sa isang caucus kahapon ang mga kongresista para pagplanuhan at buuin ang desisyon ng Justice Committee na ibasura ang reklamo laban kay Bautista.

Pero, kahit si Fariñas na nagpatawag ng caucus ay pinanindigan ang kanyang stand sa Committee on Justice na paburan ang dismissal ng impeachment complaint kay Bautista dahil sa insufficiency in form.


Sa kabila nito, nilinaw naman ni Fariñas na walang lamat ang mayorya sa Kamara sa kabila ng pagkakaiba nila ng boto sa committee report.

Ilan sa mga lumutang na magkakasalungat na boto sa majority ay si Speaker Pantaleon Alvarez na tutol na ibasura ang impeachment complaint kay Bautista, si Fariñas na bumoto pabor sa dismissal ng reklamo at si Justice Committee Chairman Rey Umali na wala namang magawa para salungatin ang kanyang committee report.

Paglilinaw ni Fariñas, walang pagkakawatak-watak sa mayorya kahit may kasunduan na i-impeach si Bautista at nagkataon lamang na may ilang kongresista na hindi naman na mabago ang kanilang boto katulad niya.

Facebook Comments