Magsisimula nang tumanggap ng mga ‘senior citizens’ at ‘PWDs’ na mga empleyado ang MCDonald’s sa 40 stores nito sa Maynila.
Nito lamang Miyerkules, nilagdaan ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno at McDonald’s Phl CEO Kenneth Yang ang ‘memorandum agreement’ na nagsasaad ng pagbibigay ng oportunidad sa mga senior citizens at PWDs na naghahanap ng trabaho.
Naghahanap sila ng 80 senior citizens at 40 naman na PWDs na magtatrabaho bilang mga order presentors, drink drawers, table managers at guess relation staff.
Sa ilalim ng agreement, ang mga senior citizens ay magtatrabaho ng hindi lalagpas sa apat na oras kada araw.
Nakapaloob din dito na limang araw lamang sa isang linggo sila pwedeng magtrabaho.
Kinakailangan din makapasa sa physical, medical, at laboratory exam ang mga ito bilang katunayang sila ay ‘fit to work’at dapat magpasa ng certification mula sa barangay at Mayor’s permit galing sa Manila Health Department.
Gayundin ang mga PWDs kabilang na ang bingi at pipe na magtatrabaho gaya ng sa mga regular na ‘crew members’ ng hindi hihigit sa walong oras kada araw.
Ayon kay MCDonald’s managing director Margot Torres, ‘direct hiring’ lamang daw ang kanilang gagawin, hindi ‘contractual at endo’.
Kaugnay nito, mabibigyan ng 13th month pay at mapapasama sa ‘group life assurance’ ang 120 mga empleyado na mabibigyan ng pagkakataon.
Magkakaroon din ng training ang mga ito gaya ng training na binibigay ng MCDonald’s sa mga regular nilang manggagawa.
Samantala, sinabi ni Mayor Isko, ““We want our senior citizens, PWDs to be a part of society and help our economy.”
Giniit rin nito na dapat magkaroon ng pantay na oportunidad ang mga ito sa paghahanap ng trabaho.
Sa kabilang banda sinabi naman ni CEO Yang, “McDonald’s Philippines has been a responsible employer since we opened our first store here in Manila in 1981. We usher our 38th founding anniversary this September, by inking this partnership with the City of Manila as we commit to provide more employment opportunities which aim to integrate senior citizens and hearing-impaired Manileños into the workforce.”
Sa bandang huli ay pinaalalahanan ni Mayor Isko ang mga senior citizens at PWDs na mabibigyan ng pagkakataon na huwag sayangin ang oportunidad na maibibigay sa kanila.