Bilang bahagi ng paghahanda sa mga posibleng sakuna, nagsagawa ng inspeksyon ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Bayambang sa ilang lugar sa bayan, kabilang ang Barangay Pantol.
Sinuri ng MDRRMO ang imbakan ng emergency disaster preparedness kits sa Obillo Elementary School, ang kasalukuyang kondisyon ng Barangay Pantol Evacuation Center, gayundin ang mga lugar na nakaranas ng pagbaha noong Hulyo 2025 dulot ng magkakasunod na bagyo at habagat.
Isinagawa rin ang aktuwal na pagsukat sa lalim ng baha upang magsilbing batayan sa mas maayos na pagpaplano at mas mabilis na pagtugon sa mga kahalintulad na sitwasyon sa hinaharap.
Ayon sa MDRRMO, mahalaga ang tuloy-tuloy na koordinasyon sa mga barangay at mga residente upang mapanatili ang kahandaan at matiyak ang kaligtasan sa oras ng sakuna.










