Naghatid ng masustansiyang pagkain at kaalaman sa nutrisyon ang Meals on Wheels Truck ng lungsod ng San Carlos nang dumalaw ito sa Barangay Pangalangan noong ika-3 ng Pebrero.
Ang aktibidad ay bahagi ng Community Feeding Program ng lokal na pamahalaan, katuwang ang City Nutrition Council.
Bukod sa pamamahagi ng pagkain, nagsilbi rin ang programa bilang pagkakataon upang bigyang-kaalaman ang mga residente tungkol sa kahalagahan ng wastong nutrisyon at pangangalaga sa kalusugan. Tinalakay sa aktibidad ang tamang pagpili ng pagkain at ang papel nito sa pagpapanatili ng malusog na pangangatawan at pangkalahatang kagalingan.
Pangunahing layunin ng Meals on Wheels na makapagbigay ng karagdagang nutrisyon at tulong, lalo na sa mga sektor na higit na nangangailangan tulad ng mga bata, matatanda, at pamilyang may limitadong kakayahang pinansyal. Isa rin itong hakbang ng lokal na pamahalaan upang matugunan ang suliranin sa malnutrisyon sa mga komunidad.
Ayon sa City Nutrition Council, patuloy nilang isusulong ang mga programang pangkalusugan at nutrisyon upang matiyak na bawat barangay ay naaabot ng mga serbisyong naglalayong magtaguyod ng mas malusog at mas matatag na pamayanan.










