Nababahala ang World Health Organization (WHO) at ilang eksperto sa posibleng measles outbreak sa bansa sa gitna ng pandemya.
Ayon kay Epidemiologist Dr. Eric Tayag, marami kasing bata ang hindi nakapagpa-booster shot kontra tigdas dahil hindi makalabas ng kanilang tahanan.
Aniya, bago kasi ang pandemya, nakakapunta pa sa mga eskwelahan ang mga health workers para bakunahan ang mga bata.
Sa ngayon, nagsimula nang magbahay-bahay ang ilang health workers para magbigay bakuna sa mga batang may edad 6, 7, 12 at 13.
Nabatid na kinakailangang 95% ang vaccine coverage ng isang bata kontra tigdas para maiwasan ang outbreak.
Pero noong 2020, aabot lamang sa 65% ng mga batang edad 2 pababa ang fully vaccinated laban sa iba’t ibang uri ng sakit at 73% naman ang nakakumpleto na ng bakuna laban sa tigdas.